Ang Barangay Camacho na pinamumunuan ni Kapitan Rommel Bundang ang nanguna sa Learning Barangay Week (LBW) ngayong linggo.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Punong Lungsod Francis Anthony S. Garcia ang Sangguniang Panlungsod sa pangunguna ni Vice-Mayor Vianca Lita V. Gozon, gayundin ang mga department heads at mga kawani ng lungsod sa pagpaplano at pagpapatupad ng iba’t-ibang programa at proyekto para sa mga Balangueño.
Kabilang sa mga proyektong ito ay ang bagong itinayong daan na nag-uugnay sa Barangay Camacho at Tenejero na nagbigay sa mga residente ng mas mabilis na daan o ruta sa mahahalagang destinasyon, tulad ng Bataan General Hospital and Medical Center, Bataan Peninsula State University – Main, Balanga Public Market, at The Bunker.
Binanggit din ni Mayor Garcia ang ilang mga programa na mapapakinabangan ng mga residente, tulad ng Health Emergency Management System, o ang 24/7 emergency medical service na may doktor, ang pagkakaroon ng dalawang (2) water tanker fire truck at isang (1) aerial ladder truck na magagamit sa emergency response, ang donasyon ng Smart TV sa iba’t ibang paaralan sa lungsod, ang Libreng Sakay ng MCGI Cares para sa mga estudyante ng Bataan National High School, at ang pagkakaroon ng Barangay Learning Hubs (BLH) at School Learning Hubs (SLH).
Kinatawan naman ni Vice-Mayor Gozon si City Councilor Pedro Yuzon, kung saan siya ay umaasa na samantalahin ng mga residente ang isang linggong aktibidad dahil layon nitong mailapit sa kanila ang iba’t-ibang serbisyo ng lokal na pamahalaan.
Ginawaran rin sa aktibidad ang mga kalahok sa reading sessions ng Community Adopts Reading Enrichment System, isang proyekto ng COBNHS, T. Camacho Sr. Elementary School, at Barangay Camacho.
Sa pamamagitan ng City Agriculturist na si Ms. Nerissa Mateo, ay namahagi din ang Pamahalaang Lungsod mga basurahan, basket, at mga kagamitan para sa mga magsasaka at mga mangingisda. Kasabay nito ay inilunsad din ang COB Kadiwa Rolling Store na naglalayong magbigay ng malusog, sariwa, at murang mga produkto na inani ng mga magsasaka ng Kaanib at mga mangingisda.
Pagkatapos ng programa, nakipagtalakayan naman sina Mayor Garcia, Committee Chairperson on Women, Children, Family, Senior Citizen, PWD, at Social Welfare Councilor Ma. Liza A. Vasquez, City Social Welfare and Development Office Head Ms. Lalaine de Leon, at si Kapitan Bundang sa mga senior citizen upang tugunan ang mga katanungan at mungkahi ng kanilang sektor.
Sinundan ito ng konsultasyon kasama ang mga Konsehal ng barangay kung saan ibinahagi nila ang kanilang mga alalahanin at rekomendasyon kung paano pang mapapabuti ang serbisyo publiko sa kanilang barangay.
Dumalo rin para ipakita ang kanilang suporta sina ABC President Ernie Nisay, KKDAT Spokesperson G. Franz Liam Arabia, Philippine Army, Bureau of Fire Protection Balanga sa pangunguna ni Fire Marshal CINSP Roderick DJ Marquez, Barangay Technical Advisers, mga guro, estudyante, at mga opisyal ng iba’t ibang barangay ng lungsod.