Marso 07, 2023 – Hindi na lingid sa ating kaalaman na sa Lungsod ng Balanga, prayoridad ng lokal na pamahalaan ang edukasyon ng mga kabataan. Katuwang ang Members Church of God International (MCGI) Cares, inilunsad ng Pamahalaang Panlungsod ang “Libreng Sakay” Program para sa mga estudyante ng Bataan National High School (BNHS).
Ang programang ito ay naglalayong mabigyan ng libreng serbisyo ang mga estudyante ng BNHS pagpasok at pag-uwi mula sa eskwelahan. Bukod sa makakatipid sa pamasahe, makatutulong din ito sa pagluwag ng trapiko dahil mababawasan ang mga pribadong sasakyan sa Roman Highway. Maiiwasan ding mahuli sa klase ang mga estudyante dahil umaalis ang bus sa tamang oras.
Sinimulan ang dry run ng programa noong Lunes, ika-6 ng Marso, 2023, sa mga piling barangay ng lungsod, kabilang na ang mga Barangay ng Cataning, Central, Cupang West, North, at Proper. Kung maging matagumpay at epektibo, inihayag ni Punong Lungsod Mayor Francis Anthony S. Garcia na magpapatuloy ang programa.
Ang Libreng Sakay program ay resulta ng magandang ugnayan nina Bataan 2nd District Representative Cong. Albert S. Garcia, Bataan Governor Jose Enrique “Joet” S. Garcia, III, Mayor Francis Garcia, Bise-Mayor Vianca Lita Gozon at Sangguniang Panlungsod, sa iba’t-ibang organisasyon at charity groups, kagaya ng MCGI Cares.
Katuwang sa maayos na paglunsad ng programang ito ang City Education and Excellence Development Office at ang City Peace and Order Office.