Ang Pamahalaang Lungsod ng Balanga ay nakiisa sa ika-126 na taong paggunita ng Araw ng Kalayaan, na may temang “Kalayaan, Kinabukasan, Kasaysayan.” Ang selebrasyon ay ginanap noong ika-10 ng Hunyo, 2024 sa Plaza Mayor de Balanga.
Nakibahagi sa parada patungong Plaza Mayor de Balanga ang mga opisyal ng lungsod, katuwang ang mga puno ng bawat departamento, mga punong barangay, mga kawani ng pamahalaang panlungsod, at mga opisyal mula sa iba’t-ibang nasyonal na ahensya at non-government organizations (NGOs).
Sinundan ito ng pag-aalay ng bulaklak sa bantayog ni Gat Jose Rizal na pinangunahan nina Punong Lungsod Francis Anthony S. Garcia, Ikalawang Punong Lungsod Vianca Lita V. Gozon, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod. Sumunod na nag-alay ng bulaklak ang partner organizations ng lungsod, kabilang ang Balanga City Tourism Council at ang Knights of Columbus.
Sa kanyang mensahe, pinaalalahanan ni Kgg. Jowee Zabala, ang Chairperson ng Komite sa Turismo, ang kahalagahan ng kapwa lingkod bayan tungkol sa kanilang mga tungkulin hinggil sa paggunita sa kalayaan. Binigyang-diin niya na ang ating kasaysayan ay puno ng pag-asa at aral, at ito’y dapat magsilbing inspirasyon sa patuloy na paglilingkod. Ayon sa kanya, “Sama-sama nating itaguyod ang mas maunlad, mas payapa, at mas matatag na Balanga para sa mga susunod na henerasyon.”
Samantala, lubos na nagpasalamat si Punong Lungsod Francis Garcia sa lahat ng organisayon at ahensya na nakiisa sa lungsod sa paggunita ng Araw ng Kalayaan. Ayon sa kaniya, ang Araw ng Kalayaan ay paggunita sa kabayanihan ng mga ninuno na nagbuwis ng buhay upang makamit ang kalayaan at kasarinlan ng ating bayan. Ito rin ay panahon upang ipagdiwang ang kabayanihan ng mga bagong bayani na nagsasakripisyo para sa lungsod at sa kanilang mga pamilya. Bilang mga lingkod-bayan, ang bawat isa ay may tungkulin na ipagpatuloy ang nasimulan ng mga ninuno sa pamamagitan ng pagiging mabuting mamamayan, pagrespeto sa karapatan ng iba, at pagtutulungan para sa kaunlaran ng bayan. Ayon sa kaniya, ang kalayaan ay isang responsibilidad na dapat ingatan para sa susunod na henerasyon. Panghuli, nagpasalamat siya sa bawat isa na patuloy na nagmamahal at nagseserbisyo sa bayan.
Samanatala, isang makabuluhang pagpapahayag tungkol sa kalayaan ang pinangunahan ng panauhing pandangal na si G. Roylan Dela Cruz, Ph.D. Ibinahagi niya na ang tunay na pagpapahalaga sa kalayaan ay hindi lamang sa pag-alala ng nakaraan, kundi sa pagkilala sa ating responsibilidad na panatilihin at ipagtanggol ito sa kasalukuyan at sa hinaharap. Sa kabila ng mga hamong hinarap ng ating bansa, nariyan ang mga bayaning handang lumaban—ang ilan sa kanila ay hindi gumagamit ng armas, tulad ng mga nagpakita ng tapang sa panahon ng pandemya. Ipinaalala niya sa lahat na huwag magsawa sa paggawa ng tama, na nagpapakita ng pagmamahal sa kapwa, bayan, at Diyos.
Ang Tagapangulo ng Komite ng Good Governance at Ethics na si Kgg. Benigno Meriño ay nagbahagi rin ng kaniyang mensahe, na umaasang patuloy na ipaglaban ang kalayaan, kinabukasan, at kasaysayan bilang isang Pilipino na may dangal.
Iginawad ang pagkilala kay G. Roylan Dela Cruz, Ph.D, na pinangunahan nina Punong Lungsod Francis Garcia, Ikalawang Punong Lungsod Vianca Gozon, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at City Administrator Atty. April Lorelei Atcheco.
Ang programa ay maayos na naisagawa sa pagtutulungan ng City Tourism Office sa pamumuno ni G. Norlie Castro at Balanga City Tourism Council sa pangunguna ni Mayora Raquel Garcia.