Enero 11, 2024 – Sa pamumuno ng Gobernador ng Bataan, Kgg. Jose Enrique “Joet” Garcia, at Kinatawan ng Bataan 2nd District, Kgg. Albert “Abet” S. Garcia, kasama ang namumuno sa mga bayan sa Ikalawang Distrito ng Bataan, kabilang sina Kgg. Francis Anthony S. Garcia, Punong Bayan ng Balanga; Kgg. Nelson David, Alkalde ng Munisipyo ng Limay; Kgg. Antonio Raymundo, Alkalde ng Munisipyo ng Orion, at Kgg. Charlie Pizarro, Alkalde ng Munisipyo ng Pilar, naki-isa at naki-saya ang Ikalawang Distrito sa pagsalubong ng ika-267 na taon ng Bataan Foundation Day.
Ang temang “Makulay na Kasaysayan: Sandigan ng Matatag na Pamilya para sa Patuloy na Pagsulong ng Bataan” ay nagbigay saysay sa pagdiriwang na ito. Ang Foundation Day ay nagsimula sa isang misa pasasalamat, parada, at programa sa Bataan People’s Center, kung saan ibinahagi ni Kgg. Joet Garcia ang kanyang State of the Province Address (SOPA). Sinundan naman ito ng Kasiyahan sa Kapitolyo, isang sabayang programa at parada sa kahabaan ng Balanga City Capitol Drive, na inihanda ng tatlong distrito sa Bataan.
Naging tampok din ang mga booth na nagpapakita ng galing at talento ng Ikalawang Distrito, kabilang na ang iba’t-ibang parades at festivals mula sa mga bayan na sumasakop dito. Ipinagmalaki ng ikalawang Distrito ang mga nagtanghal mula sa Himig Arellanista, Koro Romano, Pablo Roman NHS Rondalla, Limay National HS, Orion Bataan School of Fisheries, Balanga Utown Artists, at Bataan National HS.
Isa rin sa mga tampok na kaganapan ang pasiklaban ng festival queens, kung saan ipinakita ng mga kandidata ang kagandahan at kahusayan sa pagrampa at pagsayaw. Bukod dito, maraming food stalls at art/cultural booths ang nagbigay buhay sa kayamanan ng sining at kultura ng Bataan.
Sa kanyang mensahe, nagbigay-pugay si Cong. Abet Garcia sa ika-267 taon ng Bataan. Pinuri niya ang bawat isa sa mga miyembro ng board at mga punong-abala ng pagdiriwang, at inihayag ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga lokal na pamahalaan sa Ikalawang Distrito. Inaanyayahan din niya ang lahat na abangan ang mga kaganapan at ang mga banda na magdadagdag ng kasiyahan sa Bataeños.
Ang tatlong distrito ay nagningning sa kasiyahang hatid ng kanilang mga puso, at buong pagmamalaking ipinakita ang kanilang kahusayan at talento. Ang buong araw ay puno ng kasiyahan, sining, kultura, at pagbabalik-tanaw sa mga nagdaang taon ng tagumpay at pag-unlad ng mahal nating probinsya ng Bataan.
Samantala, ang Sayaw Bataan (Unity Dance) ay naglalarawan ng pagkakaisa ng mga Bataeño, kung saan napupuno ang kapaligiran ng masigla at mainit na pagbabayanihan ng buong Bataan.
Bilang pagtatapos, isang “Gabi ng Musika, Tagumpay, at Selebrasyon” ang ginanap sa Balanga City Market Road kung saan nagbigay kasiyahan sa mga Bataeño ang mga kilalang banda tulad ng Dilaw, SunKissed Lola, 6cyclemind, at ang mahusay na si Ely Buendia.