Hunyo 19, 2023 – Masayang sinalubong ng mga opisyal at residente ng Barangay Central sina Punong Lungsod, Kgg. Francis Anthony S. Garcia, Ikalawang Punong Lungsod, Kgg. Vianca Lita V. Gozon at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa pagbubukas ng Learning Barangay Week.
Ang programa ay sinimulan ng isang parada na pinamunuan ng mga opisyal ng Lungsod ng Balanga at ng Barangay Central. Kasama ang bagong Presidente ng Bataan Peninsula State University na si Kgg. Dr. Ruby B. Santos-Matibag, sila ay sinalubong ng Armed Forces of the Philippines papunta sa covered court kung saan ginanap ang programa.
Ayon sa Kapitan ng Brgy. Central na si Kgg. Romeo Caparas, mas nabibigyang pansin ang panawagan ng mga mamamayan sa pamamagitan ng Learning Barangay Week.
Binigyan rin ng Gawad Pagkilala si Dr. Ruby B. Santos-Matibag, ang tanging Dean sa buong Pilipinas na nabigyan ng pagkakataon na maging Presidente ng isang unibersidad at ang kauna-unahang babaeng Presidente ng BPSU. Si Dr. Santos-Matibag ay residente ng Brgy. Central.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Dr. Santos-Matibag ang mga bagong programa sa BPSU, kabilang na ang Bachelor of Social Works, Bachelor of Communication Development, at Doctor of Medicine. Gayon din ay ibinahagi niya ang magandang balita nadadagdagan ang mga estudyanteng tatanggapin ng BPSU sa 9,000 mula sa 5,000.
Katuwang sina Cong. Albert S. Garcia, Gobernador Jose Enrique S. Garcia III, Punong Lungsod Francis Garcia, at lahat ng namumuno sa lungsod at sa probinsya, iminungkahi ni Dr. Santos-Matibag na gagawin nito ang lahat upang maitaas ang antas ng edukasyon sa Bataan upang matupad ang kanyang pangarap na magkaroon ng isang tituladong anak ang bawat pamilya sa Bataan.
Sa isang maikli ngunit makabuluhang mensahe ay binati rin ni Ikalawang Punong Lungsod Vianca Gozon at Konsehala Jowee N. Zabala ang mga dumalo sa nasabing programa. Sila ay lubos na nasisiyahan sa mainit at masayang pagtanggap ng mga residente sa kanilang pagbisita.
Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Punong Lungsod Garcia ang Brgy. Central dahil simula pa lang ng kanyang tungkulin bilang Ama ng Lungsod ay buo na ang suporta ng barangay sa kaniya sa pamamagitan ni Kapitan Caparas. Dagdag pa niya, ang kanilang mainit na pagtanggap ay nagpapalakas ng loob sa kanilang mga opisyal upang ipagpatuloy ang kanilang mga programa. Hinikayat rin niya ang mga residente na tangkilikin ang mga serbisyo sa kaganapan na ito, kabilang na ang mga produkto ng Kaanib na binebenta sa murang halaga, at ang libreng serbisyong medikal at mga seminar. Pinangalawahan din ni Punong Lungsod ang mensahe ni Dr. Santos-Matibag na lalo pang papagalingin ang kalidad ng edukasyon at tutulungan ng lokal na pamahalaan ang BPSU at ang Department of Education para makamit ito.
Inilahad din niya ang ilang programa at proyekto ng lokal na pamahalaan para sa mga residente, kabilang na ang Barangay Learning Hub para sa mga nangangailangan ng computer na may internet at printer; ang pagkakaroon ng sariling City Fire and Rescue Team na may dalawang (2) water tanker fire truck at isang (1) aerial ladder truck; ang 24/7 Health Emergency Management Services (HEMS) na may kasamang doktor; ang bagong gawang daan sa Barangay Camacho papunta sa Barangay Tenejero; ang high vaccination rate sa Balanga kontra COVID-19; ang SM City Bataan na nagresulta sa higit dalawang libong (2,000) trabaho; ang Libreng Sakay katuwang ang MCGI Cares; at ang pamamahagi ng 92 Smart TVs sa iba’t-ibang eskwelahan sa lungsod katuwang ang LDS Charities.
Ibinahagi rin niya ang ilang programa sa kasalukuyan, kabilang na ang ginagawang access road sa Tenejero-Ibayo, at ang ginagawa ng bagong evacuation center at General Services Office building. Umaasa rin si Punong Lungsod na masimulan sa susunod na taon ang Balanga City Sports Center na magkakaroon ng basketball courts upang suportahan ang mga programa sa kalusugan at sports.
Ginanap rin ang distribusyon ng trash bin, basket, at seedlings na pinamunuan ni City Agriculturist Nerissa Mateo upang labanan ang polusyon at upang suportahan ang pangangalaga sa kalikasan.
Kasunod nito ay ginanap ang konsultasyon kasama ang senior citizens na pinangunahan ni Punong Lungsod Garcia, Konsehala Liza Vasquez, at CSWD Officer Ms. Lalaine de Leon. Panghuli sa programa ang konsultasyon kasama ang mga Kagawad ng barangay.
Nagbigay-aliw naman sa programa ang nakakatuwang mga presentasyon mula sa mga estudyante, guro, at Zumba dancers mula sa kanilang barangay.
Dumalo rin upang suportahan ang programa sina KKDAT Spokesperson, Kgg.Franz Liam Arabia; Bo. Central Elementary School Principal, Gng. Ana Maria Garcia; PNP Balanga; BFP Balanga; DILG Balanga; Sangguniang Kabataan; at piling Department Heads ng Lungsod.