Nagtapos ang “Learning Barangay Week” (LBW) sa Barangay Camacho sa pamamagitan ng isang General Assembly na ginanap noong ika-8 ng Hunyo, 2023.
Binigyang-pagkilala ni Barangay Kapitan Rommel Bundang ang mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod. Gayun din ay ipinahayag niya ang kahalagahan ng aktibidad dahil dito ay inilapit ng lokal na pamahalaan ang kanilang mga serbisyo sa komunidad, lalo na sa mga miyembro ng Kabalikat, mga benepisyaryo ng 4Ps, mga single parent, at iba pa.
Samantala, sina Ikalawang Punong Lungsod, Kgg. Vianca Lita Gozon at Tagapangulo ng Komite sa Kalusugan, Kgg. Christian Manalaysay ay hinikayat ang lahat na aktibong makilahok sa mga inisyatibo ng barangay at ng Sangguniang Panlungsod. Ayon sa kanila, malaking bahagi ng pagpapatupad ng mga programa at proyekto ang suporta mula sa kinatawan ng Pusong Pinoy Partylist, Cong. Jernie Jett Nisay at Punong Lungsod, Kgg. Francis Anthony S. Garcia.
Dumalo rin sa kaganapan si Cong. Nisay kung saan ay ipinahayag niya ang kanyang pasasalamat sa mga residente dahil ang “Partido Balikatan ng Bataan” na pinamumunuan ni Hon. Jose Enrique “Joet” Garcia III ay hindi magtatagumpay kung wala ang kanilang tiwala. Kaniyang binigyang diin ang iba’t-ibang mga inisyatibo na naka pagpapabuti sa komunidad, katulad ng DOLE – TUPAD Pay-out na isinagawa noong Disyembre 2022 at nagpakinabang sa 968 na magsasaka at mangingisda; tulong pinansyal sa mga higit na nangangailangan; at mga donasyon mula sa Philippine Red Cross. Hinikayat rin niya na sana ay patuloy na suportahan ang mga Micro-, Small at Medium-sized Enterprises (MSMEs) at ang inisyatibo ng Nasyonal na Pamahalaan sa pagpaparehistro ng SIM Card.
Pinuri naman ni Punong Lungsod Garcia ang pagkakaisa ng lokal na pamahalaan at ng mga residente upang maging matagumpay ang LBW. Ibinahagi rin niya ang mga proyekto ng lungsod para sa mga residente ng barangay, kabilang na ang Camacho-Tenejero Direct Link Road via Doña Maria, mataas na antas ng pagbabakuna na natamo sa pamamagitan ng mga donasyon ng bakuna mula kay Gobernador Joet Garcia at Congressman Albert Garcia, pagbubukas ng SM City Bataan na nagbigay ng trabaho sa dalawang libong residente, ang pagkakaroon ng dalawang (2) water tanker fire truck at isang (1) aerial ladder truck, at ang mga donasyon mula sa Members Church of God International (MCGI) sa pamamagitan ng kanilang programang “Libreng Sakay” at ang The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints na naglaan ng 92 na Smart LED TVs na ipinamahagi sa iba’t’-ibang paaralan ng DepEd Balanga.
Tinalakay rin ng bawat Tagapangulo ng Komite ng Barangay ang kanilang mga programa at proyekto na naisakatuparan. Nagbigay-aliw rin sa programa ang mga raffle draws at ang presentasyon ng sayaw.
Sa pagtatapos ng programa, nagpamahagi ang Pusong Pinoy Partylist ng mga grocery pack sa mga residente. Nagbigay rin ang Pamahalaang Lungsod ng mga kagamitan na makakatulong sa barangay, kabilang na ang isang (1) office table at isang (1) office chair para sa Health Center, isang (1) gasul na may tanke sa Day Care Center, dalawang (2) lifetime table, anim (6) na lifetime chair, at isang (1) megaphone sa barangay, at anim (6) na tablet para sa ALS students.