Ang pagiging Pilipinong malikhain sa sining at kultura ang bida sa programang National Arts Month 2023 na mayroong tema na “Ani ng Sining, Bunga ng Galing” na ginanap sa Plaza Mayor de Balanga.
Ito ay ginanap sa pangunguna ng Punong Lungsod Mayor Francis Anthony Garcia, Bise – Alkalde Vianca Lita Gozon at Sangguniang Panlungsod sa pamamagitan ng City Tourism Office sa pangunguna ni G. Norlie Castro
Ang kaganapan ay pinuno ng mga masisiglang guro at mag-aaral mula sa Bataan National High School – Junior High School (BNHS – JHS) na binigyang gabay ng puno ng departamentong MAPEH G. Jonathan Baldeo.
Sa unang parte ng programa, isinagawa ang ‘Sining Ekonomista’ kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral mula sa BNHS ang kanilang kahusayan sa flower arrangement mula sa Mc Bombeth’s Flower shop, gift wrapping mula sa Pandayan Bookshop, at oryentasyon tungkol sa digital photography mula sa kanilang kapwa mag-aaral. Samantala, nag-alay naman ng panimulang awit ang BNHS Chorale.
Bilang kinatawan ng ating Punong Lungsod Mayor Garcia at Committee Chairperson on Tourism Kon. Jowee Zabala, pinasalamatan ni Committee Chairperson on Women, Children, Family, Senior Citizen, Person with Disability, and Social Welfare Hon. Ma. Liza Vasquez ang Pamahalaang Panlungsod sa patuloy na pagpapalakas ng mga programa sa edukasyon at sining. Hinikayat niya ang bawat mag-aaral na patuloy na palakasin ang kanilang kakayahan na makapagpamalas ng iba-ibang talento at kahusayan sa larangan ng sining at musika.
Kasunod nito ang mensahe ng pasasalamat mula sa puno ng departamentong MAPEH G. Baldeo bilang kinatawan ni Gng. Alma Poblete, Punong Guro ng BNHS Junior High School (JHS). Hinikayat niya ang lahat na abangan ang papalapit na presentasyon mula sa galing ng bawat Bataeñong mag-aaral.
Bilang bahagi ng ‘Ani ng Sining,’ naghatid ng presentasyon ang: Galaw Pilipinas, SPFL Chinese Mandarin, Rondalla Arellanista, SPA Dance, Himig Arellanista, at Teatro Arellano sa kanilang munting small act play na pinamagatang “Trato sa Tao.” Ito ay kinagiliwan ng mga nakasubaybay sa programa at sinundan pa ng huling parte na pinamagatang ‘Bunga ng Galing’ kung saan ginawaran ng pagkilala ang mga natatanging mag-aaral. Sa pagtatapos ng programa, nagpakita rin ng kanilang talento sa pagsasayaw ang “Unity Dance: Sayaw Dabaw.”
Ngiti sa bawat mamamayang Balangueño ang iniwan ng nakalulugod na programa. Tunay na ang pagmamahal sa ating kultura ay ating naipapakita sa pamamagitan ng ganitong palatuntunan. Kaakibat ang Pamahalaang Panlungsod ng Balanga, ating patuloy na suportahan at isulong ang pagiging malikhain at respeto sa sining ng bawat isang Balangueno.